Dagupan City – Matagumpay na isinagawa ngayong araw, Marso 12, 2026, dakong alas-3 ng hapon ang Simultaneous Earthquake drill ngayong unang quarter ng taon bilang bahagi ng paghahanda sa mga posibleng lindol sa lalawigan.
Ayon kay Ron Maegan Equila, Earthquake and Tsunami Focal Person at Research and Planning Head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), layunin ng aktibidad na mahikayat ang lahat ng opisina at ahensya na makilahok upang mapalawak ang kaalaman ng publiko sa tamang gagawin tuwing may lindol.
Dagdag niya, mahalaga rin ang ganitong mga drill upang mabuo ang tinatawag na muscle memory ng publiko o ang agarang pag-alala sa tamang hakbang sa oras ng sakuna.
Kaugnay nito, nagsasagawa rin ng evaluation ang kanilang tanggapan sa Barangay Eguia sa bayan ng Dasol, isang coastal area, upang malaman kung gaano na kalalim ang antas ng kamalayan ng mga residente pagdating sa paghahanda sa lindol at tsunami.
Ipinaliwanag ni Equila na sa anim na distrito ng Pangasinan ay magkakaiba ang mga panganib na kinakaharap.
Ang mga coastal area ay mas prone sa tsunami, habang ang mga mountanous area naman ay nanganganib sa landslide.
Isa aniya sa mga malaking hamon sa kanilang tanggapan ay ang pagpapalawak ng impormasyon tungkol sa posibleng tsunami na maaaring idulot ng Manila Trench, dahil marami pa ring residente ang hindi batid na maaari silang maapektuhan ng ganitong uri ng panganib.










