Ipinagpapatuloy ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico III ang paglatag ng mahahalagang programa at proyekto sa kaniyang ikaapat na State of the Province Address, kung saan tampok ang malalaking inisyatiba sa imprastraktura, kalusugan, edukasyon, at ekonomiya.

Isinagawa ang SOPA sa hybrid setup bilang bahagi ng pagtitipid sa gitna ng global energy crisis, habang pinasalamatan ng gobernador ang mamamayan sa kanilang pag-unawa.

Sa larangan ng imprastraktura, binigyang-linaw ng gobernador ang redevelopment ng Capitol Complex, kabilang ang itinatayong 11-palapag na Capitol Plaza na kasalukuyang may mahigit 44% completion.

--Ads--

Ayon sa kanya, malaking bahagi ng proyekto ay nakatuon sa matibay na pundasyon dahil sa malambot na uri ng lupa sa lugar.

Dagdag pa rito, layon ng pamahalaang panlalawigan na gawing tourist destination ang Capitol Complex sa pamamagitan ng mas maluwag, ligtas, at walkable na kapaligiran, kabilang ang reflective pool at iba pang pasilidad na bukas sa publiko nang libre.

Sa usapin ng trabaho, iniulat na nakalikha ang probinsya ng mahigit 10,000 trabaho mula sa 31 job placement activities noong 2025.

Gayunman, kinilala rin ng gobernador ang patuloy na pag-alis ng mga manggagawa patungong ibang bansa dahil sa kakulangan ng oportunidad at mataas na gastusin sa kalusugan.

Kaugnay nito, pinapalakas ang ugnayan sa Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration upang masuportahan ang mga OFW.

Sa edukasyon, patuloy ang pagpapalawak ng Pangasinan Polytechnic College kung saan umabot na sa halos 1,900 scholars ang benepisyaryo ng libreng edukasyon.

Mayroon ding skills training programs na nakapagtapos na ng daan-daang electricians, na karamihan ay mayroon nang trabaho.

Sa ekonomiya, iniulat ng gobernador ang pagtaas ng kita ng probinsya, kabilang ang quarry collections na umabot sa mahigit 232 milyong piso kada taon mula sa dating 15 hanggang 18 milyon lamang. Sa kabuuan, naabot ng Pangasinan ang 8.3 bilyong pisong taunang badyet.

Sa sektor ng agrikultura, ipinagmalaki ang produksyon ng asin na umabot sa 8,100 metriko tonelada at kita na higit 23 milyong piso.

Kasabay nito, isinusulong ang mga proyekto tulad ng bangus breeding facility sa Bolinao at mga provincial warehouse sa ilalim ng PRDP program.

Sa disaster response, iniulat na mahigit 27,000 indibidwal ang nailikas sa iba’t ibang bagyo, kabilang ang Bagyong Uwan, kung saan walang naitalang nasawi dahil sa maagap na paghahanda at koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan.

Samantala, nananatiling pangunahing prayoridad ang kalusugan, kung saan kinilala ang Pangasinan sa Gawad Kalusugan 2025 ng Department of Health. Ipinatupad din ang libreng pagpapa-ospital sa 14 na provincial hospitals, na suportado ng mahigit 3 bilyong pisong pondo mula sa lokal na badyet at PhilHealth.

Binigyang-diin ng gobernador na layunin ng programang ito na matiyak na walang Pangasinense ang mabibigong magpagamot dahil sa kakulangan sa pera.

Sa transportasyon, isinusulong din ang modernisasyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Department of Transportation para sa planong Electric Vehicle Bus Rapid Transit o EV-BRT system, na magbibigay ng mas episyente at environment-friendly na mass transport sa probinsya.

Kabilang din sa mga plano ang pagpapatupad ng TNVS gamit ang electric vehicles at pagtatayo ng mga solar-powered charging stations.

Ibinahagi rin ng gobernador na bumisita ng dalawang beses sa lalawigan si Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways upang talakayin ang agarang pagkumpleto ng mga bypass roads, na mahalaga sa pagpapabilis ng biyahe at pagpapalawak ng saklaw ng planong BRT system.

Ayon pa sa gobernador, may limang paunang ruta ang planong BRT na maaari pang palawakin, kabilang ang paggamit ng mga high-capacity buses na kahalintulad ng tren para sa mas maraming pasahero. Target din na masimulan ang implementasyon nito ngayong 2026, kung saan inaasahang darating ang unang limang unit ng electric buses sa loob ng apat hanggang limang buwan.

Kasabay nito, pinag-aaralan na rin ang pagtatayo ng mga bus stations, terminals, at solar-powered charging stations bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa krisis sa enerhiya.

Sa pagtatapos ng kaniyang ulat, kinilala ng gobernador ang mahigit 7,100 empleyado ng pamahalaang panlalawigan at mga ospital na naging katuwang sa pagpapatupad ng mga programa.

Binigyang-diin din niya na ang tagumpay ng administrasyon ay hindi lamang nakabatay sa kakayahan kundi sa malasakit, katapatan, at matibay na paninindigan para sa kapakanan ng bawat Pangasinense.

Sa kabila ng mga batikos at hamon—lokal man o pandaigdigan—iginiit ni Governor Guico na hindi matitinag ang kaniyang liderato at mananatiling nakatuon sa paghahanda para sa kinabukasan habang tinutugunan ang kasalukuyang pangangailangan ng mamamayan.

“Walang anumang batikos, ingay, sakuna, bagyo o krisis ang makakapigil sa Pangasinan,” ayon sa gobernador.

Sa kabuuan, iginiit ni Governor Guico na ang lahat ng proyekto at programa ay nakatuon sa matibay na pundasyon para sa pangmatagalang kaunlaran ng Pangasinan, sa ilalim ng temang “Mas Handa, Mas Matatag, at Mas Matibay ang Paninindigan.”