Bagamat ginagalang ang disisyon ng International Criminal Court, dismayado naman ang pamilya ng mga biktima ng Extra Judicial Killings sa pag apruba ng ICC Pre-Trial Chamber I sa hiling ni dating pangulong Rodrigo Duterte na hindi dumalo sa confirmation of charges hearing bukas, Pebrero 23.

Sa panayam ng bombo Radyo Dagupan kay Jane Lee – asawa ng EJK victim na si Michael Lee, dismayado sila dahil inaasahan ng pamilya ng mga napatay sa madugong kampanya kontra droga na personal nilang makita si Duterte at marinig ang mga magaganap bukas.

Sa pangyayaring ito ay mas lalong pinatatagal ang magandang proseso na inilalaan ng ICC.

--Ads--

Para sa kanila ay mas maganda sana na personal siyang naroroon pero sa hindi pagdalo ni Duterte, ang mas mahalaga ngayon ay ang matuloy ang confirmation of charges.

Nanindigan sila na anuman ang ginagawang taktika na patagalin ang kaso ay hindi magiging haldang sa kanila at iba pang pamilya na nananawagan ng hustisya.

Samantala, hindi umano nila inaasahan na aabot ito sa ICC dahil ang inaasahan nila na dito pa lang sa bansa ay binigyan na sila ng pagkakataon na makapagreklamo at makasampa ng kaso.

Ngunit walang tumindig noon para sa pamilya ng mga biktima ng EJK kung kayat umaasa sila na sa pagkakataong ito ay makamit ang katarungan na pinagkait sa kanila.

Kuwento ni Lee na March 20,2017 nang pinaslang ng riding in tandem ang kanyang asawa na noon ay jeepney driber .