Kinuwestiyon ng labor group na Federation of Free Workers (FFW) ang pagiging balido ng inilabas na “workplace happiness report” ng isang online job search company, kasabay ng panawagan nitong huwag maliitin ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa sa bansa.
Sa panayam kay Julius Cainglet, Vice President ng naturang grupo nakababahala ang paglalabas ng ulat na nagsasabing masaya umano ang mga manggagawa sa kanilang trabaho sa kabila ng mababang sahod at iba pang suliranin sa paggawa.
Ayon kay Cainglet, mistulang inililihis umano ng naturang ulat ang usapin sa mababang pasahod at lumalalang kondisyon ng mga manggagawa, lalo na sa panahong may krisis sa ekonomiya at nagsisimula ang pagdinig para sa wage petition sa National Wages and Productivity Commission.
Iginiit niya na dapat kuwestiyunin hindi lamang ang nilalaman kundi maging ang metodolohiya ng isinagawang survey.
Aniya, nasa 1,000 manggagawa lamang umano ang saklaw ng survey mula sa mahigit 50 milyong labor force sa bansa, kaya’t hindi ito maituturing na sapat na representasyon ng kalagayan ng lahat ng manggagawa.
Dagdag pa niya, posible umanong limitado lamang sa mga manggagawang gumagamit ng online job platforms ang nasaklaw ng survey, habang hindi naman naisama ang maraming empleyado mula sa manufacturing, agrikultura, at iba pang sektor na nakararanas ng mas mabibigat na kondisyon sa trabaho.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang FFW para sa dagdag-sahod at mas matibay na proteksiyon sa karapatan ng mga manggagawa, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Iginiit ni Cainglet na dapat umanong kilalanin ng pamahalaan ang hirap na dinaranas ng labor sector at agarang tugunan ang mga panawagan para sa wage increase, karapatan sa pag-uunyon, at pagwawakas sa contractualization o “endo.”










