DAGUPAN CITY= Inaasahan ng PAGASA na makakaranas ang buong Northern Luzon, kabilang ang lalawigan ng Pangasinan, ng madalas na pagkulog at pagkidlat na may kasamang ulan tuwing hapon at gabi, kahit nananatili ang mainit at maalinsangan na panahon sa bansa.

Batay sa ulat at pagtataya ng ahensya mula Mayo 18 hanggang 24, 2026, mayroon nang mga palatandaan na posibleng magsimulang umihip ang habagat o southwest monsoon sa mga susunod na araw.

Karaniwang dumarating at nagsisimula ang panahon ng tag-ulan sa bansa sa pagitan ng huling linggo ng Mayo at unang linggo ng Hunyo.

--Ads--

Ayon sa PAGASA, inaasahang opisyal na ideklara ang pagsisimula ng tag-ulan sa bandang Hunyo 1, depende pa rin sa mga datos at lagay ng panahon na kanilang patuloy na binabantayan.

Habang hindi pa ganap na nananaig ang habagat, mararanasan pa rin ang matinding init at maalinsangang panahon tuwing umaga at tanghali.

Sa ilang lugar, inaasahang aabot sa danger level o mapanganib na antas ang damang-init o heat index, na katumbas ng 42 hanggang 51 degrees Celsius na nararamdaman ng publiko.

Mahigpit na ipinapaalala ng PAGASA sa lahat ng mamamayan na maging maingat sa biglaang pagbabago ng panahon.

Inirerekomenda na laging magdala ng payong o kapote tuwing lalabas ng bahay, at patuloy na sumubaybay sa mga abiso at update mula sa ahensya at mga lokal na pamahalaan upang manatiling ligtas at handa sa anumang kalamidad.