Nauwi sa pagkakaaresto ang isang 42-anyos na lalaki matapos umano nitong tangayin ang shoulder bag na naglalaman ng malaking halaga ng pera mula sa isang frozen meat shop sa bayan ng Bugallon.

Nangyari ang insidente bandang alas onse ng umaga sa Brgy. Poblacion.

Batay sa nakuhang impormasyon, nakatulog umano ang may-ari ng tindahan nang samantalahin ng suspek ang pagkakataon upang kunin ang shoulder bag na may lamang humigit-kumulang ₱120,000.

--Ads--

Gayunman, nagising ang biktima habang papatakas ang suspek kaya agad itong humingi ng tulong sa mga tao sa paligid.

Sa tulong ng mga concerned citizens at mga tauhan ng PNP Bugallon, mabilis na natunton at naaresto ang suspek habang nabawi rin ang ninakaw na bag at perang laman nito.

Kasalukuyan nang nakapiit ang suspek at nahaharap sa kaukulang reklamo kaugnay sa insidente.