Dagupan City – Opisyal na inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang programang Lola Cares na naghatid ng malawakang tulong at libreng serbisyo para sa daan-daang nakatatanda at kanilang mga pamilya sa lungsod.
ito ay bilang bahagi ng patuloy na pagpapahalaga at pangangalaga sa mga nakatatandang mamamayan.
Isinagawa ang gawain sa pakikipagtulungan ng Women and Children’s Center, Federated Senior Citizens Association of Dagupan City, at ng City Health Office.
Tampok sa kaganapan ang mga serbisyong ipinamahagi gaya ng libreng gupit, pagpaparehistro sa mga programang PhilHealth YAKAP at PhilHealth GAMOT, at mga dental services tulad ng pagbunot, pagtatapal, at paglilinis ng ngipin.
Ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, labis siyang nagulat at natuwa sa dami ng mga dumalo.
Ang nasabing programa ay nakabatay sa ordinansa ng Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice Mayor BK Kua at lahat ng mga konsehal, na inihain at isinulong ni Konsehal Tala Paras.
Batay sa ulat mula sa mga kinatawan ng DSWD, POPCOM, at mga opisyal ng samahan ng mga Senior Citizen umabot sa 450 hanggang 500 ang nakinabang sa programa.
Layunin ng Lola Cares na mairehistro at mabigyan ng sapat na tulong ang lahat ng mga nakatatanda, lalo na ang mga lola na nag-aalaga rin ng kanilang mga apo.
Hindi lamang pangkalusugan ang saklaw ng serbisyo, kundi pati na rin ang tulong sa panahon ng kalamidad, edukasyon, serbisyong sibil tulad ng pagkuha ng sertipiko ng kapanganakan, at serbisyo mula sa Engineering Office kapag may nasira o nasiraan ng bahay.
Saad niya na ito ay ang pinagsama-samang pagsisikap ng walo hanggang sampung kagawaran ng pamahalaang lungsod, kabilang na ang programa para sa Mental Health at Legal Office upang matiyak na walang sinuman ang maiiwan o mapagkakaitan ng serbisyo.
Para sa kanya, ang programa ay nagmumula sa kanyang personal na pagmamahal sa sarili niyang lola, na nais niyang ibahagi at palawakin para sa lahat ng nakatatanda sa lungsod kaya naman nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga senior citizen.
Kasama rin sa saklaw ng pangangalaga ng lungsod ang mga kabataan at mga bata, na tinitiyak ng pamahalaan na nasa ilalim ng proteksyon at serbisyo sa tulong ng 31 barangay ng Dagupan.
Ibinahagi rin niya ang tagumpay ng lungsod na nakakuha ng 100% na marka at pagsusuri pagdating sa pangangalaga at proteksyon sa mga bata na nagpapatunay ng dedikasyon ng pamahalaan sa kapakanan ng bawat mamamayan, bata man o matanda.










