Dagupan City – Pormal nang ipinakilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang koponan ng Pangasinan Asinderos na muling lalahok sa ikalawang season ng National Basketball League (NBL).

Sa ginanap na presentasyon noong Hunyo 3, pinangunahan ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico III ang pagpapakilala sa mga manlalaro at coaching staff ng koponan.

Ayon kay Governor Guico, tiwala siyang maipapakita ng koponan ang husay at talento ng mga atletang Pangasinense.

--Ads--

Ang pangalang “Asinderos” ay hinango sa salitang “asin,” na isa sa pangunahing produkto at simbolo ng pagkakakilanlan ng lalawigan ng Pangasinan.

Sinabi ni Head Coach Christian Calaguio na karamihan sa mga manlalaro ng koponan ay mga homegrown athletes na nagmula sa katatapos lamang na Inter-Town Governor’s Cup Basketball Tournament.

Aniya, dumaan sa masusing pagpili ang mga manlalaro upang mabuo ang pinakamalakas na koponang kakatawan sa Pangasinan sa liga.

Samantala, muling binigyang-diin ni Governor Guico ang patuloy na suporta ng kanyang administrasyon sa pagpapaunlad ng sports kasabay ng mga programa sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, at imprastraktura.

Kasunod ng matagumpay na Inter-Town Basketball Tournament, nakatakda ring simulan ngayong Hunyo ang men’s at women’s volleyball competitions. Gaganapin din ang Tour de Pangasinan cycling competition sa Hunyo 12 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Pinag-aaralan na rin ng pamahalaang panlalawigan ang pagsasagawa ng mga paligsahan sa pickleball habang patuloy na sinusuportahan ang pag-unlad ng soccer sa lalawigan.

Ang Pangasinan Asinderos ay binubuo ng 19 na manlalaro. Magsisilbing team managers sina Mayor Liam S. Cezar ng Rosales at dating Mangaldan Liga ng mga Barangay President Ritchie DG. Abalos.

Nakatakdang ganapin ang opening ceremonies ng National Basketball League sa Hunyo 14 sa Estrella Sports Center sa Rosales, Pangasinan kung saan opisyal na sisimulan ng Pangasinan Asinderos ang kanilang kampanya para sa ikalawang season ng liga.