DAGUPAN CITY- Nararanasan ngayon ang pabago-bagong temperatura sa ilang bahagi ng Northern Luzon matapos ang sunod-sunod na araw ng malamig na umaga at gabi, na taliwas sa inaasahang pagpasok ng mas mainit na panahon ngayong Marso.

Ayon kay Jun Soriano, Weather Observer ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Dagupan City, dulot ito ng umiiral na northeast monsoon o amihan na pinalakas ng isang low pressure area na nabuo sa Central at Eastern Pacific (CEP).

Ipinaliwanag niya na ang naturang low pressure area ang naghatak ng malamig na hanging papasok sa kalupaan ng Northern Luzon, dahilan upang makaranas ng mas mababang temperatura lalo na sa madaling araw, umaga, at gabi.

--Ads--

Sa kabila nito, inaasahan sanang papasok na ang panahon ng tag-init sa buwan ng Marso, ngunit naantala dahil sa mabilis na pagbabago ng weather system.

Dagdag pa ni Soriano, mabilis ang galaw ng mga sistema ng panahon kung saan maaari itong magbago sa loob lamang ng ilang oras. Sa kasalukuyan, bahagya nang lumalayo ang low pressure area kaya inaasahang unti-unti nang babalik sa normal ang temperatura sa mga susunod na araw.

Samantala, wala pang opisyal na deklarasyon ang PAGASA hinggil sa pagsisimula ng summer season.

Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat sa pabago-bagong panahon, magdala ng panangga sa init, uminom ng sapat na tubig, at magsuot ng komportableng damit upang maiwasan ang heat-related illnesses.

Pinapaalalahanan din ang mga mangingisda na maging maingat sa biglaang pag-alon ng dagat kahit wala pang inilalabas na gale warning.