DAGUPAN CITY—Lalong pinabibigat ang kalagayan ng mga magsasaka sa bansa dahil sa patuloy at malakihang pagtaas ng presyo ng langis, ayon kay Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.

Ayon kay Cabatbat, ramdam ang pagtaas ng presyo ng diesel sa iba’t ibang panig ng bansa. Dagdag pa rito ang suliranin kung saan may ilang kumpanya ng langis na hindi agad nagbebenta ng suplay sa mga magsasaka dahil sa pag-iimbak ng mga krudo sa mga containers.

Binigyang-diin niya na wala umanong malinaw na hakbang ang pamahalaan upang tugunan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na higit na nagpapahirap sa sektor ng agrikultura.

--Ads--

Kasabay nito, tumaas din ang presyo ng mga pesticides at pataba, na iniuugnay sa pagmahal ng langis dulot ng tensyon at digmaan sa Gitnang Silangan.

Bagama’t kinilala niya ang inisyatiba ng Department of Agriculture sa pagkuha ng composting facility, sinabi niyang nananatili itong plano pa lamang at hindi pa operational, partikular sa Negros.

Sa kabila nito, hinikayat ni Cabatbat ang mga magsasaka na huwag umasa lamang sa pamahalaan at humanap din ng sariling paraan upang mapagaan ang kanilang sitwasyon.

Nagpasalamat naman siya sa mga subsidiya na ibinibigay sa mga magsasaka, ngunit iginiit na mas magiging epektibo ang mga ito kung maipapamahagi sa tamang panahon—lalo na sa panahon ng pagtatanim at pag-aani.

Nanawagan din siya sa mga lokal na pamahalaan at Municipal Agricultural Officers na tiyaking agad na maiparating at maibigay ang subsidiya sa mga tunay na magsasaka at sa mga higit na nangangailangan.

Kaugnay nito, sang-ayon si Cabatbat sa pagpapatupad ng price control sa bigas sa merkado. Aniya, ginagamit umano ng ilang negosyante ang isyu ng pagtaas ng presyo ng langis at tensyon sa Gitnang Silangan upang magtaas ng presyo, lalo na sa gitna ng pagdami ng imported na bigas.

Binigyang-diin niya na ang ganitong uri ng pananamantala ay patunay na kinakailangang mas higpitan ng pamahalaan ang regulasyon sa pag-aangkat ng bigas sa bansa.