Dagupan City – Maituturing na Political Demolition ang pagsisiwalat ng 18 Ex-Marines laban sa mga pinangalanan sa Affidavit.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law Expert, ang isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y mga anomalya sa flood control projects at sa testimonya ng 18 dating marino ay kapansin-pansin na umano’y hindi pagtutugma ng kanilang mga pahayag.

Dito na binigyang diin ni Cera na hindi malinaw, hindi direkta, at hindi nagtutugma ang ilang bahagi ng kanilang mga salaysay.

--Ads--

Samantala, iginiit naman nito na wala nang kontrol sa sitwasyon ang ilang personalidad na sangkot sa usapin at ang kanilang mga hakbang ay maituturing na pagtatangkang manatiling relevant sa kasalukuyang pulitika.

Ayon kay Cera, legal at valid umano ang ginawang pagdeklara ng majority bloc ng quorum sa Senado sa kabila ng hindi kumpletong bilang ng mga senador.

Aniya, nakabatay ito sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino vs. Cuenco, na nagsasaad na maaaring magkaroon ng quorum kahit hindi kumpleto ang kabuuang miyembro ng Senado, basta’t naroon ang mayorya ng mga kasalukuyang maaaring lumahok sa sesyon.

Ipinaliwanag pa ni Cera na may mga naunang pagkakataon nang naipatupad ang prinsipyong ito, kabilang na noong panahon ni dating Senate President Franklin Drilon, kung saan nagkaroon ng quorum kahit may mga senador na nakakulong at may iba namang nasa ibang bansa.

Iniugnay rin ni Cera ang kasalukuyang sitwasyon kina Senador Jinggoy Estrada at Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon sa kanya, may kinahaharap na kaso si Estrada habang si Dela Rosa naman ay may arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC), dahilan upang malagay sa alinlangan ang kanilang kakayahang makadalo at makalahok sa mga sesyon ng Senado.

Binigyang-diin din ni Cera na hindi maaaring patuloy na tawagin ng isang opisyal ang kanyang sarili bilang Senate President kung wala na siyang sapat na bilang ng mga senador na sumusuporta sa kanya at kung hindi na siya hawak ng mayorya.