Patuloy ang pagtuturuan ng Senado at Kamara kung sino ang dapat sisihin sa pagkakabinbin ng wage hike bill, na layong magtakda ng makabuluhang umento sa sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Ngunit para sa mga labor groups, hindi ang kongreso kundi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tunay na may pananagutan.
Ayon kay Josua Mata Secretary General, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) si Pangulong Marcos ang “pumatay” sa wage hike bill matapos niyang magpadala ng pormal na posisyon na taliwas sa pagpasa ng panukala.
Aniya, ito ay malinaw na senyales na ayaw ng Pangulo na maisabatas ito, at walang ibang dapat sisihin kundi siya mismo.
Tinukoy niya na masyado nang mababa ang minimum wage kumpara sa family living wage para sa pamilyang may limang miyembro.
Hindi umano ito nakatutugon sa tunay na pangangailangan ng mga manggagawa, at walang saysay ang mga maliit na dagdag kung nananatiling mataas ang mga gastusin.
Dahil dito, nananawagan ang kanilang grupo na magkaroon ng bagong pambansang batas para sa wage increase, at umaasang mas mulat at matalino na ang mga manggagawa upang sa gayon ay hindi na umaasa sa mga pangakong pulitikal, kundi kumikilos upang igiit ang kanilang karapatan.
Aminado man ito na magiging mahirap ipasa sa Kongreso ang panukala, lalo’t kung pareho pa rin ang liderato sa Senado at Kamara.
Samantala, sa kabila ng pagkaantala ng wage hike bill, nagkaroon pa rin ng ilang tagumpay ang sektor ng paggawa.
Kabilang dito ang pagkilalang ipinagkaloob ng International Labor Organization (ILO) sa mga panawagan ng manggagawa kabilang ang pagpapataw ng sanction sa mga bansang lumalabag sa karapatan sa paggawa, gaya ng Myanmar, at ang pagkilala sa Palestine bilang miyembro o observer, na itinuturing na makasaysayan at simboliko.
Mahalaga din ang desisyon ng ILO International Labor Conference na magpasa ng bagong konbensiyon at resolusyon para sa mas makatarungang paggawa.
Hinihimok naman nito ang mga lider na manindigan sa kapayapaan sa Gitnang Silangan, lalo sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Aniya, hindi makatutulong ang digmaan sa pagbabalik ng mga OFW, at mananatili itong hadlang sa pagkakaroon ng full employment sa bansa.
Kaya’t kailangang magkaisa at kumilos ang lahat ng manggagawa, lalo sa pagpasok ng ika-20 Kongreso, upang igiit sa Malacañang na huwag harangin ang pagpasa ng wage hike bill.