DAGUPAN CITY- Maaaring makatulong sa ilang industriya at manggagawa ang 4-day work week subalit hindi dapat ito maging isang “general policy”.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, dapat munang maging malinaw sa mga employer at manggagawa ang magiging sakop nito sa oras na maipatupad.

Aniya, kabilang na rito ang garantisadong mababayaran ang overtime pay at night differentials, gayundin ang masunod ang 8 oras na pagtatrabaho.

--Ads--

Dapat din aniyang magkaroon ng kasunduan at may patunay na pagpayag ng manggagawa sa set-up na ito.

Gayunpaman, isa itong banta para sa mga daily paid workers dahil maaaring apat na araw lamang sa isang linggo ang kanilang sasahurin.

Malaki rin ang magiging epekto nito sa mga probinsyang mas mababa pa ang minimum wage kumpara sa Manila.

Umaasa si Cainglet na magkakaroon ng agarang aksyon ang gobyerno upang hindi na labis makaapekto sa mga manggagawa ang malaking pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Bukod pa riyan, mungkahi niya ang pagtatag ng national minimum wage upang maihatak ang sahod ng mga nasa probinsya at pagkakaroon ng emergency cost living allowance ang mga manggagawa.