Dagupan City – ‎Patuloy ang isinasagawang kampanya ng Police Regional Office 1 o PRO 1 laban sa ilegal na droga sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region bilang bahagi ng kanilang law enforcement operations.

Batay sa ulat ng PRO 1, mula Enero 22 hanggang Enero 28, 2026, nakapagsagawa ang kapulisan ng kabuuang 35 anti-illegal drug operations. Sa mga operasyong ito, 38 indibidwal ang naaresto at nakumpiska ang ilegal na droga na may kabuuang tinatayang halaga na mahigit 10.4 milyong piso.

Kabilang sa mga nasamsam ang humigit-kumulang 162.10 gramo ng hinihinalang shabu at mahigit 46,000 piraso ng marijuana plants.

Ayon sa pulisya, ang mga nakumpiskang ito ay isinailalim sa tamang dokumentasyon at isinagawa ang kaukulang proseso alinsunod sa umiiral na batas.

Sinabi ng PRO 1 na ang mga operasyon ay isinagawa sa tulong ng intelligence work at koordinasyon sa iba’t ibang yunit ng kapulisan sa rehiyon. Binigyang-diin din ng tanggapan ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kaayusan at sa patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga.

Ang mga isinagawang operasyon ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng programa ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga, na layong mabawasan ang suplay nito at mapanatili ang kaligtasan ng publiko sa Ilocos Region.