DAGUPAN CITY- Handang-handa na muling manilbihan ang mga bagong halal na opisyal sa bayan ng San Fabian.
Pormal na kasing nanumpa sa tungkulin ang mga opisyal sa bayan na ginanap sa kanilang sport complex.
Dinaluhan ito ng nasa 34 barangay captain,sektor ng edukasyon, empleyado ng munisipyo, ilang kawani ng ibat-ibang ahensya, mga kaibigan at mga kamag-anak ng mga opisyal.
Muling nanumpa sa posisyon para sa kanilang ikalawang termino sina Mayor Marlyn Agbayani at Vice Mayor Constante Agbayani.
Kasama din sa nanumpa ay si BM Marinor De Guzman at 8 nanalong konsehal sa bayan gaya nina Fina Ibasan, Melody Erfe,Chelsea Mae Narvasa, Mamerto Malanum, Marieta P. Cuaresma, Hercules P. Magliba, Kimberly Bandarlipe at Rolando J. Pedralvez.
Ayon kay Mayor Marlyn Agbayani na wala naman silang naging problema sa nakalipas na kampanya dahil sa kauna-unahang pagkakataon sa history ng pulitika sa bayan na mayroong naging unopposed na opisyal sa pagka-alkalde at bise-alkalde.
Naniniwala siya na maganda ang kanilang nagawa sa bayan kaya walang lumaban sa kanilang posisyon sapagkat bukas sila sa lahat ng bagay upang ihatid ang magandang serbisyo sa bayan.
Saad pa nito na sa kanilang muling pag-upp ay ipagpapatuloy at higit pang mapapaunlad ang mga serbisyong kanilang ibinigay sa nakaraang termino.
Samantala, ayon naman kay Constante Agbayani na gagalingan muli nila sapagkat ayaw nitong masira ang tiwala ng publiko na binigay sa kanila.
Saad nito na bibigyan nila ng pansin ang pagsasaayos ng turismo, health care, edukasyon, mga negosyo at problema sa basura.
Mimithi naman ng kanilang bayan na maabot ang pagiging city nito kung saan baka sa 2035 o 2037 ay matutupad ito dahil ang problema na lamang nila ay ang Income kaya sa pagpasok ng maraming negosyo sa bayan ay makakamit nila ito.
Samantala, sa pamamagitan ng kooperasyon ng mga opisyal at ng mga mamamayan, tiyak na magiging mas maunlad pa ang San Fabian sa mga darating na panahon.