Isinagawa ngayong araw ang groundbreaking ceremony para sa rehabilitation at Modernong Post-Harvest Facility sa Rosales para sa mga magsasaka sa Pangasinan.
Ito ay sa ilalim ng Masagana Agri-Food Infrastructure Modernization (MAFIM) program, na naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura at food security sa bansa.
Pinangunahan ni National Food Authority (NFA) Administrator Dr. Larry Lacson ang groundbreaking para sa proyekto, na naglalayong magbigay ng modernong imprastraktura, suporta sa mga magsasaka, at pataasin ang kanilang production capacity.
Kabilang sa mga pangunahing component ng MAFIM ang Post-Harvest Facilities at Infrastructure Rehabilitation.
Ang pasilidad ay may kapasidad na tumanggap ng 120 tons ng palay para sa pagpapatuyo sa bawat batch, at may rice mill na kayang gumiling ng 8 hanggang 10 tons bawat oras.
Tinatayang nasa 2,500 square meters ang laki nito, at nagkakahalaga ng P280 milyon.
Inaasahang makikinabang ang mga magsasaka sa pasilidad na ito, dahil hindi na nila kailangang maghanap ng lugar para patuyuin ang kanilang ani.
Sa kapasidad nito, maaaring makapagbenta ng fresh palay ang 48 magsasaka bawat araw kung saan inaasahang mapapakinabangan at matatapos ito bago matapos ang taon .
Samantala, ipinahayag ni Engr. Katho Moreno, Chairman ng Regional/Provincial Farmers Action Council, ang kanilang positibong pananaw sa itatayong modernong pasilidad ng National Food Authority (NFA) sa Pangasinan.
Ayon kay Engr. Moreno, malaki ang maitutulong nito sa mga magsasaka dahil madaragdagan ang kapasidad ng mga bodega ng NFA sa pagtanggap ng palay.
Sa kasalukuyan, kulang pa ang pasilidad ng NFA upang tumugon sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Nagpasalamat ito sa Pangulo, kay Secretary Laurel, at kay Administrator Larry Lacson sa pagsisikap na madagdagan ang pasilidad ng NFA, lalo na ang mga drying at milling capacity upang magkaroon ng mas maraming sariwang bigas at matulungan ang mga magsasaka sa pagbebenta at pagbibilad ng kanilang palay.










