Dagupan City – Nilinaw ng isang constitutional law expert na maaari pa ring maghain ng motion for bail ang dating broadcaster na si Jay Sonza kahit pa may inilabas na warrant of arrest na itinuturing na non-bailable kaugnay ng kasong cyberlibel laban sa kanya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, ipinaliwanag nito na hindi nawawala ang karapatan ng isang akusado na magpiyansa habang dinidinig ang kaso, lalo na kung ang parusa ay hindi umaabot sa life imprisonment o reclusion perpetua.

Ayon kay Cera, kinukwestyon ang pagiging non-bailable ng kaso dahil ang cyberlibel ay may parusang prision correccional lamang, na karaniwang nagbibigay-daan para sa piyansa bilang karapatan ng akusado.
Matatandaan na inaresto ng National Bureau of Investigation si Sonza sa kanyang tahanan sa Quezon City kaugnay ng umano’y pagpapakalat ng pekeng medical record ni Ferdinand Marcos Jr. Kasama rin sa inireklamo ang vlogger na si Jeffrey Celiz.

--Ads--

Sa ngayon, pansamantalang mananatili si Sonza sa isang detention facility habang inihahanda ang kanyang motion for bail.