Ibinahagi ni Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), na ang tinatayang P62 na pagtaas sa presyo ng bigas ay nakabatay sa kasalukuyang gastos sa produksyon.
Ayon sa kanya, maaaring umabot sa P31 ang farmgate price ng palay, kung saan ang breakeven point ng mga lokal na magsasaka ay nasa P24. Gayunman, binigyang-diin niya na nakadepende pa rin ito sa galaw ng merkado at walang katiyakan kung maaabot ang P31, lalo na’t patuloy ang pagbaba ng presyo ng palay mula P25 hanggang P20 para sa bagong ani.
Ipinaliwanag din ni So na kahit humupa ang tensyon sa Middle East, hindi agad bababa ang presyo ng abono.
Bilang halimbawa, sinabi niya na umaabot sa 360 litro ng krudo ang kailangan ng isang magsasaka para sa irigasyon ng palayan. Dati itong nagkakahalaga ng humigit-kumulang P17,000, ngunit ngayon ay umaabot na sa halos P29,000 hanggang P30,000. Dahil dito, may ilang magsasaka ang piniling hintayin na lamang ang tag-ulan bago magsimula ng pagtatanim.
Dagdag pa niya, inaasahan ang pagtaas ng pag-aangkat ng bigas, subalit maging ang mga bansang suplayer tulad ng Vietnam at Thailand ay nahaharap din sa mga suliranin sa irigasyon at pagtaas ng gastos sa produksyon.










