Pinaiigting ng Region 1 Medical Center (R1MC) ang pagpapatupad ng digital referral system upang mapabilis at maging mas maayos ang paglilipat ng mga pasyenteng nangangailangan ng karagdagang pangangalagang medikal mula sa mga maliliit na ospital patungo sa mga referral hospital sa Rehiyon Uno.
Ayon kay Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge at Medical Center Chief ng R1MC, layunin ng sistema na mapadali ang koordinasyon ng mga ospital sa pagre-refer ng mga pasyente, lalo na ang mga nangangailangan ng mas mataas na antas ng serbisyong medikal.
Sa pamamagitan ng digital platform, isang click na lamang ang kinakailangan upang maipasa ang mahahalagang impormasyon ng pasyente, kabilang ang pinanggalingang ospital, lokasyon at layo nito sa R1MC, gayundin ang kinakailangang serbisyong medikal.
Malalaman din sa sistema kung may available na kama ang tatanggap na ospital at kung may kakayahan itong asikasuhin ang pasyente. Mahalaga ito upang maipaalam agad sa mga pasyente at kanilang pamilya ang sitwasyon at maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala sa paglilipat.
Bawat ospital ay bibigyan ng sariling username at password upang magkaroon ng access sa sistema, alinsunod sa mga patakaran sa data privacy at upang matiyak na mga awtorisadong health institution lamang ang makakagamit nito.
Bukod sa R1MC, layunin ding pag-isahin ang referral system sa pamamagitan ng pagsasama sa mga pribadong ospital upang magkaroon ng alternatibong mapaglilipatan ang mga pasyente batay sa kanilang pangangailangan at kagustuhan.
Sa susunod na yugto, pinag-aaralan din ang pagpapalawak ng sistema upang maisama ang mga Rural Health Units (RHUs) at mga birthing home, partikular sa pagre-refer ng mga premature na sanggol na nangangailangan ng agarang atensiyong medikal.
Inaasahang sa pamamagitan ng digital referral system ay mababawasan ang mga pagkaantala sa paglilipat ng pasyente at mapapahusay ang koordinasyon ng mga pasilidad pangkalusugan, tungo sa mas mabilis at episyenteng pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga mamamayan ng Pangasinan at iba pang bahagi ng Region I.










