Nagpahayag ng pasasalamat ang kapulisan ng Asingan sa lokal na pamahalaan at sa buong pamayanan matapos magawaran ng Certificate of Commendation ang kanilang opisina.

Ayon kay PMAJ Aileen P. Catugas, Officer-in-Charge ng Asingan Municipal Police Station, hindi umano makakamit ng kanilang tanggapan ang naturang pagkilala kung wala ang tulong ng lokal na pamahalaan at ng pamayanan sa nasabing bayan.

Binigyang-diin din ni Catugas ang malaking papel ng suporta at kooperasyon ng mga ito para sa matagumpay na pagsasagawa ng kanilang mga operasyon kontra kriminalidad.

--Ads--

Samantala, nagpaalala naman si Catugas sa mga mamamayan ng komunidad na patuloy na sumunod sa mga alituntunin ng kapulisan sa bayan habang pinapaalalahanan ang mga ito sa karampatang parusang naaayon sa batas kapalit ng anumang paglabag dito.

Magugunitang personal na iginawad ni Mayor Carlos Lopez Jr. ang naturang parangal para sa kapulisan nitong Lunes bilang pagkilala sa kanilang mahusay na pagtupad sa tungkulin at malaking ambag sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bayan.