Nagbabala ang isang Bombo International News Correspondent sa Spain sa mga Pilipinong naninirahan at bumibisita sa naturang bansa na maging mapagmatyag sa kanilang kaligtasan sa gitna ng mga ulat ng pagnanakaw at iba pang insidente na iniuugnay sa pagdami ng mga undocumented migrants.

Sa panayam kay Eva Tinaza, Bombo International News Correspondent sa Spain, sinabi nitong patuloy ang pagdating ng mga migrante na walang kaukulang dokumento, na dinadala umano sa iba’t ibang lugar at lalawigan gaya ng Madrid, Barcelona at Grand Canary dahil hindi maaaring manatili ang lahat sa iisang lugar.

Ayon kay Tinaza, patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon at kinokontrol ang paggalaw ng mga migrante.
Gayunman, ibinahagi niya ang kanyang mga pangamba sa mga naiulat na insidente ng pagnanakaw at sexual assault, partikular sa mga kabataan, bagama’t walang ibinigay na opisyal na datos tungkol sa mga naturang insidente.

Inamin din ng correspondent na mas nagiging maingat siya sa paglabas, lalo na sa gabi, dahil sa posibilidad na mabiktima ng pagnanakaw.

Batay sa kanyang personal na karanasan sa paninirahan sa Spain sa loob ng maraming taon, nakaranas na rin umano siya ng pang-aagaw ng gamit o snatching.

Kaugnay nito, pinayuhan niya ang mga Pilipino na ingatan ang kanilang mga personal na gamit, huwag basta-basta maglabas ng cellphone sa matataong lugar, bantayan ang kanilang mga bag at maging alerto sa mga taong nakapaligid sa kanila.