Nagpahayag ng kumpiyansa ang Animal Kingdom Foundation na mapalalakas ng forensic findings ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kasong inihain laban sa isang pet crematorium matapos matukoy na hindi abo ng mga hayop ang laman ng mga urn na ibinigay sa ilang pet owners.

Ayon kay Atty. Heidi Marquez-Caguioa, President at Program Director ng Animal Kingdom Foundation, naaayon ang resulta ng pagsusuri sa mga naunang salaysay ng mga nagrereklamong pet owners na nagpa-cremate ng kanilang mga alagang aso ngunit nakatanggap umano ng abo na hindi nagmula sa kanilang mga hayop.

Dagdag pa niya, may mga materyal na nakita sa mga sinuring abo na hindi tumutugma sa mga labi ng aso o pusa.

Gayunman, hindi pa niya nakukuha ang buong kopya ng forensic report upang matukoy kung anong uri ng abo ang natagpuan.

Sinabi ni Marquez-Caguioa na maituturing na matibay na ebidensya ang naturang resulta kaugnay ng mga alegasyon ng falsification at estafa laban sa pet crematorium at sa kaugnay nitong afterlife service provider.

--Ads--

Nasa Department of Justice na ang mga dokumento mula sa NBI, habang hinihintay naman ang resulta ng mga kasong sumasailalim sa preliminary investigation at mga reklamong inihain sa PNP Bacoor.

Samantala, umaasa ang opisyal na magsisilbing wake-up call ang insidente sa mga negosyo ng pet cremation at afterlife care services upang ayusin ang kanilang mga sistema at maging mas transparent sa kanilang mga kliyente.

Ibinahagi rin niyang nakikipagtulungan ang kanilang organisasyon sa paghahanda ng panukalang batas para sa regulasyon ng afterlife care services, katuwang sina Congressman Brian Lim at Senator Pia Cayetano.

Hinimok din niya ang mga lokal na pamahalaan na palakasin ang monitoring at pangangasiwa sa mga naturang establisimyento, dahil hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng business permit kung walang malinaw na pamantayan sa kanilang operasyon.

Nanawagan naman si Marquez-Caguioa sa mga pet owners na maging mapanuri sa pagpili ng cremation service, suriin ang mga pasilidad at kontrata, at tiyaking may maayos na viewing o live video monitoring sa proseso.

Hinikayat din niya ang mga service provider na huwag samantalahin ang pagtitiwala at pagdadalamhati ng mga pet owners.