Nagsagawa ng pagpupulong ang Region 1 Medical Center (R1MC) kasama ang mga kinatawan at pinuno ng mga ospital sa Pangasinan upang talakayin ang pagpapatupad ng Online Referral System na layong mapabilis ang koordinasyon at proseso ng paglilipat ng mga pasyente sa pagitan ng mga healthcare facilities.

Ayon kay Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge at Medical Center Chief ng R1MC, matagal na nilang pinag-aaralan ang naturang sistema upang mabawasan ang mga hindi kinakailangang hakbang sa referral process at mapabilis ang pagpapalitan ng impormasyon sa mga ospital.

Sa pamamagitan ng web-based at cloud-based system, maaaring makita ng mga healthcare facility ang status ng mga pasyenteng kanilang nire-refer, kabilang kung na-admit na ang mga ito sa pinagdalhang ospital, nang hindi na kinakailangang paulit-ulit na tumawag para mag-follow up.

--Ads--

Real-time din ang pag-update ng sistema, na nagre-refresh kada tatlong segundo, upang mas mabilis na ma-access ng mga kinauukulan ang impormasyon at matiyak ang maayos na koordinasyon sa pangangalaga sa mga pasyente.

Layunin din ng online referral system na mapababa ang gastusin, mapagaan ang proseso ng pagre-refer at mapahusay ang pagtugon ng healthcare system sa pangangailangan ng mga mamamayan.

Kabilang sa mga nais maisama sa koordinasyon ang mga district hospitals at rural health units, gayundin ang mga pampubliko at pribadong ospital sa Pangasinan, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan.

Samantala, pinag-aaralan din ng R1MC ang pagpapasimple ng proseso para sa mga outpatient, kabilang ang paggamit ng QR code at online appointment system upang mas madaling makapagpa-schedule ng konsultasyon at makita ang available na oras ng mga doktor.

Sa pamamagitan nito, hindi na kinakailangang maghintay nang matagal sa ospital ang mga pasyente at mababawasan din ang kanilang exposure sa ibang taong may karamdaman, habang mas nagiging maginhawa at organisado ang pagkuha ng serbisyong medikal.