Inilipat nitong Biyernes ang dating TV host na si Jay Sonza mula sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City patungo sa pasilidad nito sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Atty. Mark Tolentino, maayos ang kalagayan ni Sonza at patuloy nilang tinututukan ang mga legal na hakbang upang maprotektahan ang kanyang mga karapatan.
“Sa gitna ng pagsubok, mananatili tayong matatag—para sa hustisya, para sa due process, at para sa katotohanan,” ani Tolentino.
Magugunitang inaresto si Sonza noong Huwebes ng gabi sa Quezon City batay sa warrant na inilabas ng Pasay Regional Trial Court Branch 118.
Kinakaharap niya ang kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, na tumutukoy sa unlawful use of means of publication at unlawful utterances ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Maykaugnay ito sa umano’y pagpo-post ng fake news ng dating mamahayag hinggil sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa oras ng kanyang pag-aresto, sinabi ni Sonza na handa siyang sumailalim sa due process.
Nauna nang kanyang abogado na kukwestiyunin nila ang pag-isyu ng non-bailable warrant laban sa kanya, na aniya’y “highly irregular” para sa isang kasong may kaugnayan sa unlawful publication.
Bukod dito, nahaharap din si Sonza sa hiwalay na kasong cyberlibel sa Pasay RTC Branch 111.
Pinuri ng Presidential Communications Office (PCO) ang mabilis na aksyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsasampa ng kaso at pag-aresto sa dating broadcaster.
“It shows the government’s continuing effort to guard the truth, protect the public from deception, and preserve a free but responsible democratic space,” ani PCO Acting Secretary Dave Gomez.










