Itinuturing na “terminated” na ang giyera sa pagitan ng Amerika at Iran bago pa man ang itinakdang deadline hanggang ngayong Biyernes, May 1 para sa pag-apruba ng US Congress sa giyera, ayon sa isang senior Trump administration official.

Sa ilalim kasi ng War Powers Resolution, mayroon na lamang hanggang ngayong Biyernes si US President Donald Trump para humiling ng congressional authorization para ipagpatuloy ang conflict o waksan na ito, kung saan may opsyon na palawigin pa ang deadline ng karagdagang 30 araw.

Ayon sa senior official, na tumangging pangalanan, ang labanan na sumiklab noong Pebrero 28 sa pagitan ng Amerika at Iran ay terminated na dahil sa umiiral na ceasefire.

--Ads--

Sinabi rin ng opisyal na natigil na ang palitan ng pag-atake sa dalawang bansa simula nang maging epektibo ang ceasefire noong Abril 7 at pinalawig pa kalaunan.

Una nang ipinaalam ng White House sa US Congress ang military campaign laban sa Iran noong Marso 2 ng kasalukuyang taon, kung saan ngayong Biyernes, ang 60-day milestone para sa Pangulo na simulan ang “winding-down” ng giyera maliban na lamang kung makakuha siya ng congressional authorization. // Bombo Everly Rico