Iginiit ni Liberty de Luna, Pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), ang panawagan para sa tuluyang pagbasura ng Oil Deregulation Law kasabay ng inaasahang panibagong pagtaas ng presyo ng langis matapos ang ilang linggong rollback.

Ayon kay De Luna, walang naidulot ang nasabing batas kundi paghihirap hindi lamang sa mga tsuper kundi sa buong mamamayang Pilipino. Aniya, patuloy nitong pinapabigat ang pasanin ng sektor ng transportasyon at ng publiko.

Bagama’t nakatulong umano ang Service Contracting Program sa gitna ng krisis, ipinahayag niya ang hangaring mapalawak pa ito sa iba pang rehiyonal na sektor upang walang tsuper ang maiwan. Sa kasalukuyan, sinabi niyang ang mga hindi kabilang sa programa ay kumikita lamang ng P250 hanggang P400 kada araw, halagang hindi sapat para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.

--Ads--

Dahil dito, nanawagan si De Luna sa tanggapan ni Pangulong Marcos Jr. na magpatupad ng pansamantalang dagdag-pasahe na hindi bababa sa P1 hanggang P2 upang makatulong sa kabuhayan ng mga tsuper.