Dagupan City – Nilinaw ng isang constitutional law expert na walang opsyon ang mga senador na mag-inhibit sakaling umakyat sa Senado ang impeachment case laban kay Vice Pres. Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert, ipinaliwanag nito na may malinaw na mandato sa ilalim ng Konstitusyon ang mga senador na gampanan ang kanilang tungkulin bilang senator-judges kapag naisampa na ang kaso mula sa House of Representatives.

Pahayag ito ni Cera kasunod ng magkakaibang reaksyon ng ilang senador, may pabor at may tutol, kaugnay sa isinusulong na impeachment laban sa bise presidente.

--Ads--

Gayunman, iginiit ng eksperto na sa oras na magsimula ang impeachment trial, kinakailangang isantabi ng mga senador ang kanilang personal na paninindigan at pairalin ang pagiging patas sa paghusga.

Ipinaliwanag din ni Cera ang kahalagahan ng terminong “forthwith” sa impeachment proceedings, batay sa naging desisyon ng Supreme Court.

Aniya, nangangahulugan ito ng agarang aksyon upang hindi maantala ang proseso.

Binalikan din niya ang naging karanasan noong panahon ni dating Senate President Francis Escudero kung saan naapektuhan ang pag-usad ng isang impeachment proceeding dahil sa papalapit na halalan.

Dahil dito, hindi agad naituloy ang proseso hanggang sa tuluyan itong maputol bunsod ng kakulangan sa oras at pagbabago sa komposisyon ng Senado.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Cera na mas maluwag ang panahon para maisulong ang impeachment trial, dahil malayo pa ang susunod na eleksyon at wala pang nakikitang hadlang sa pagdinig ng kaso.

Gayunman, nagbabala siya na kapag nag-adjourn ang sesyon ng Senado para sa midterm elections noong 2025, hindi maaaring basta ipagpatuloy ng mga bagong halal na senador ang isang nasimulan nang impeachment trial, dahil may mga patakaran sa continuity ng proseso na dapat sundin.