DAGUPAN CITY- Ligtas mula sa mga pag-atake ng missiles mula Iran ang mga Pilipino na nasa Israel matapos ang kaliwa’t kanang bawian ng dalawang bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Luzvilla Dorato, Bombo International News Correspondent sa Israel, napinsala ang kanilang mga tinutuluyan subalit, wala naman sa kanila ang napahamak dahil agad din silang pumunta sa bomb shelter.

Aniya, isa sa nakapagligtas sa kanila ay ang paunang natatanggap na alarm hinggil sa mga nakapasok na missiles o drone sa lugar na kanilang kinaroroonan.

--Ads--

May naitala naman na Pilipino na nasugatan mula sa pag-atake subalit, nasa maayos na ito na kalagayan at nagpapagaling sa ospital.

Samantala, may umuugong umano ngayon sa Israel na repatriation para sa mga gusto nang makauwi subalit wala pa itong kumpirmasyon.

May ilan din kase na nais nang makauwi dahil mas matindi ang nasabing pag-atake kumpara sa mga nakaraan.

Gayunpaman, may ilan din na nais pang manatili dahil hindi naman oras-oras ang pag-atake.

Sa kabilang dako, ipinagbabawal ngayon sa kanilang lugar ang mga transportasyon dulot ng pag-atake.

Kaya may ilan na kinakailangan maglakad upang makabili ng mga pagkain.