Dagupan City – Sisimulan ng First Spouses League of Pangasinan, sa pamumuno ni First Lady Maan Guico, kasama ang Provincial Government of Pangasinan, ang programang TAWIRAN: Pamanang Kaalaman Para sa Magandang Kinabukasan, isang inisyatiba na nakatuon sa pagpapalaganap ng kaalaman at edukasyon sa mga kabataang Pangasinense.

Layunin ng programa na matulungan ang mga kabataan, partikular ang mga out-of-school youth, na mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagbasa at magkaroon ng mas matibay na pundasyon para sa kanilang hinaharap.

Sa pamamagitan ng TAWIRAN, bibigyan ng gabay at suporta ang kabataan upang mas maunawaan ang kahalagahan ng edukasyon at magkaroon ng oportunidad na mas mapabuti ang kanilang buhay at personal na pag-unlad.

--Ads--

Ayon sa mga opisyal, ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya na palakasin ang literacy at edukasyon sa buong Pangasinan, kasabay ng paghubog sa mga kabataan na maging responsableng mamamayan at aktibong kalahok sa komunidad.

Inaasahan na makikinabang rito ang daan-daang kabataan mula sa iba’t ibang bayan, na magkakaroon ng pagkakataong matuto at lumahok sa mga aktibidad na magpapalawak ng kanilang kaalaman at kakayahan.