Dagupan City – Patuloy ang pagdagsa ng mga driver at delivery rider sa mga gasolinahan sa Dagupan City bago ang inaasahang panibagong pagtaas ng presyo ng langis ngayong linggo.
Ayon kay Ricky Rosal, isang PAMANA driver, tuwing Lunes sila karaniwang nagpapagas batay sa kanilang nakalaang allocation na anim na litro kada tatlong araw.
Aniya, umaabot sa dalawang beses kada linggo ang kanilang pagpapagas upang matiyak na may sapat silang krudo para sa kanilang biyahe sa kabila ng banta nitong pagtaas.
Samantala, sinabi naman ng delivery rider na si Rogie Parajas na ramdam nila ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon sa kanya, habang tumataas ang presyo ng krudo ay bumababa naman ang kanilang kinikita sa araw-araw na pasada at delivery.
Dagdag pa niya, mas makabubuti sana kung mabibigyan sila ng fuel subsidy upang makatulong sa kanilang gastusin at hindi sila mahirapan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi rin ni Parajas na halos araw-araw siyang nagpapagas dahil binabadyet niya ang kanyang konsumo, ngunit aminado siyang mas mahihirapan na siya kung magpapatuloy ang halos araw-araw na pagtaas ng presyo ng langis.










