DAGUPAN CITY- Isinagawa ang regular na “pulisteniks” sa Camp Governor Antonio U. Sison sa bayan ng Lingayen bilang bahagi ng pinaigting na physical fitness program ng Philippine National Police (PNP) upang mapanatiling malakas, malusog at laging handa sa pagtugon sa serbisyo publiko ang mga pulis sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay PLt. Col. Eleazar Edolmo, Chief of Personnel Administrative and Resource Management Unit (PARMU) isa ang aktibidad sa mga paunang direktiba ni Provincial Director, PCol. Dennis De Leon na muling paigtingin ang pagsasagawa ng pulisteniks tuwing Martes at Huwebes sa lahat ng himpilan ng pulisya sa mga lungsod at bayan ng Pangasinan.

Sinabi ni Edolmo na layunin ng programa na mapanatiling nasa maayos na kondisyon ang pangangatawan ng mga pulis upang maging masigla sa pagtupad ng tungkulin, makaiwas sa sakit at mapanatili rin ang maayos na pag-iisip habang ginagampanan ang kanilang responsibilidad sa komunidad.

--Ads--

Dagdag niya, sabay-sabay ding isinasagawa ang physical fitness activity sa iba’t ibang police stations sa buong lalawigan bilang bahagi ng pagpapatupad ng direktiba ng pamunuan ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO).

Ipinaliwanag ni Edolmo na maging ang mga pulis na naka-duty ay maaaring magsagawa ng ehersisyo batay sa kanilang iskedyul habang ang mga naka-assign naman sa opisina ay nire-reschedule upang mabigyan ng pagkakataong makalahok sa aktibidad.

Sinabi rin niya na sapat na ang 30 minuto hanggang isang oras na physical activity upang makatulong sa pagpapanatili ng magandang kalusugan at tamang kondisyon ng katawan.

Aniya, bilang mga public servant, kinakailangang laging handa ang mga pulis sa mabilis na pagresponde kaya mahalagang mapanatili nilang nasa tamang kondisyon ang kanilang katawan at kalusugan.