DAGUPAN CITY— Inaanyayahan ang publiko sa Dagupan City at mga karatig-bayan na magbigay ng huling pagpupugay kay dating House Speaker Jose de Venecia Jr., na ilalagak ang kanyang labi sa Simbahang Bato sa Barangay Bonuan Gueset ngayong Sabado at Linggo.
Ayon kay Dagupan City Councilor Atty. Joey Tamayo, malaki ang naging ambag ni de Venecia sa muling pagbangon ng lungsod matapos ang mapaminsalang lindol noong 1990 na nagdulot ng matinding pagkawasak sa Dagupan.
Ibinahagi ni Tamayo na nangalap umano ng pondo si de Venecia mula sa iba’t ibang bansa upang maibalik ang sigla ng ekonomiya ng lungsod at maipatayo muli ang mga nasirang gusali, kalsada, at tulay. Kabilang din aniya sa mga proyektong iniugnay sa pamilya de Venecia ang pagpapatayo at pagsasaayos ng mga tulay sa lungsod, kabilang ang Pantal Bridge.
Bukod sa kanyang mga proyekto, inilarawan din ni Tamayo ang dating Speaker bilang isang lider na malapit sa mga lokal na opisyal at residente. Aniya, kahit mga konsehal at barangay officials ay iniimbitahan nito sa kanilang tahanan, kung saan personal pa umano itong nagluluto at nakikipagkuwentuhan.
Naalala rin ni Tamayo ang mga paninindigan ni de Venecia laban sa umano’y pamamayani ng pera sa eleksyon. Aniya, naniniwala ang dating Speaker na kapag pera ang naging sentro ng halalan, magbubunga ito ng katiwalian at mga “ghost projects.”










