Dagupan City – Pormal nang binuksan ang mga bagong three-classroom buildings sa Salaan, Navaluan, at David Elementary School sa Mangaldan, Pangasinan.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng P19.5 milyon mula sa Local School Board Fund sa pamumuno ni Mangaldan Mayor Bona Fe De Vera Parayno.
Ayon sa alkalde, prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon.
Pinasalamatan din niya ang mga taxpayers na naging daan sa proyekto at hinikayat ang mga estudyante na pangalagaan ang mga bagong silid-aralan.
Kasama sa programa ang pagbabasbas ng mga classroom at ang turnover ng mga susi sa mga school heads sa pangunguna ng mga district supervisors.
Dumalo rin sa okasyon si Dr. Russel Jim V. Tamayo ng DepEd-Pangasinan II, na nagpahayag ng paghanga sa aktibong suporta ng lokal na pamahalaan sa edukasyon.
Ayon kay Dr. Tamayo, iilan at bilang lamang ang lokal na pamahalaan na tumutulong sa kanilang tanggapan sa pagsasaprayuridad ng pagpapatayo ng mga classroom kaya pinuri niya ang pamunuan ng alkalde at ng buong lokal na pamahalaan sa pagiging aktibong stakeholder at partner ng Kagawaran ng Edukasyon.