Isinusulong ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang isang panukalang ordinansa na naglalayong higpitan ang regulasyon sa pagbebenta ng gamot sa mga sari-sari store, kasunod ng isinagawang public consultation at pagtalakay sa kaligtasan ng publiko.
Ayon kina Councilor Joey Tamayo at Councilor Michael Fernandez, nakatuon ang panukala sa responsableng paggamit at distribusyon ng gamot, lalo na sa mga komunidad kung saan karaniwang naaabot ang mga sari-sari store.
Ipinaliwanag ni Tamayo na hindi layunin ng ordinansa na ipagbawal ang pagbebenta ng gamot sa mga tindahan.
Sa halip, hinihikayat ang mga ito na sumunod sa mga kinakailangang regulasyon tulad ng pagkuha ng lisensya mula sa Food and Drug Administration at pagkakaroon ng lisensyadong pharmacist.
Dagdag pa niya, makatutulong umano sa bawat barangay kung ang mga tindahan ay lehitimong lisensyado at may sapat na kaalaman sa tamang pagdispense ng gamot.
Binigyang-diin din ng konsehal ang panganib ng maling paggamit ng gamot, partikular ang labis na pag-inom ng pain relievers na maaaring makasira sa kidney. Hinikayat niya ang publiko na kumonsulta muna sa doktor at sumunod sa tamang reseta bago uminom ng anumang gamot.
Samantala, iginiit naman ni Fernandez ang kahalagahan ng ordinansa upang maiwasan ang pagkalat ng pekeng o hindi epektibong gamot sa mga sari-sari store na walang sapat na lisensya.
Dagdag pa niya, kabilang sa mga ikinababahala ang pagbebenta ng antibiotics at antimicrobials nang walang reseta, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng tao kung mali ang paggamit.
Sa oras na maipasa ang ordinansa, sinabi ni Fernandez na may opsyon ang mga awtoridad na magsampa ng kaso laban sa mga lalabag, alinman sa ilalim ng umiiral na pambansang batas o sa ipatutupad na lokal na ordinansa.








