Nagbabala ang Animal Kingdom Foundation hinggil sa tumataas na kaso ng heat exhaustion at heat stroke sa mga alagang hayop kasabay ng patuloy na nararanasang matinding init ng panahon sa bansa.
Sa panayam kay Atty. Heidi Marquez Caguioa, Program Director ng nasabing foundation hindi lamang mga tao ang labis na naaapektuhan ng init kundi higit lalo ang mga alagang hayop na mas sensitibo sa mataas na temperatura.
Aniya, nakatatanggap na ang kanilang klinika ng mga kaso ng heat distress at heat stroke mula sa iba’t ibang pet owners.
Bagamat hindi pa umano umaabot sa kritikal na antas, kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga apektadong hayop, bagay na kinumpirma rin ng ilang beterinaryo sa iba’t ibang lugar.
Ipinaliwanag ni Caguioa na mahalagang mabantayan ang mga senyales ng heat exhaustion sa mga alaga tulad ng labis na paghingal (panting), sobrang paglalaway, pamumula ng gilagid at dila, panghihina, kawalan ng ganang kumain, pagduduwal, pagbabawas, at sa malalang kaso ay pag-collapse o seizure.
Binigyang-diin din niya na maaaring maging iritable ang mga hayop kapag naiinitan, kaya mahalagang tiyakin na updated ang kanilang bakuna laban sa rabies.
Aniya, responsibilidad ng pet owners na mapanatiling ligtas ang kanilang alaga at ang komunidad, lalo na’t walang lunas ang rabies ngunit ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Para sa paunang lunas, inirerekomenda ng foundation ang pagpunas ng malamig na tubig sa katawan ng hayop, paggamit ng basang tuwalya, at paglalagay ng malamig na compress sa paa.
Mahalaga rin umanong agad na dalhin ang alaga sa beterinaryo sa oras na makitaan ng sintomas.
Samantala, inanunsyo rin ni Caguioa ang nalalapit na Philippine Animal Law Conference na layong pagsama-samahin ang mga abogado, hukom, law enforcement agencies, at iba pang stakeholder upang talakayin at palakasin ang mga batas ukol sa animal welfare sa bansa.
Sa huli, nagpaalala ang opisyal na simpleng hakbang tulad ng pagbibigay ng sapat na tubig at maayos na silungan ay maaaring makapagliligtas ng buhay ng mga alagang hayop.










