Dagupan City – Pinaigting pa ng pamahalaang bayan ng Binmaley ang mga hakbang upang matugunan ang problema sa basura sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mahigpit na waste segregation, composting programs, at panukalang mas mabigat na parusa laban sa mga lumalabag sa ordinansa sa kalinisan.
Ayon kay Municipal Administrator Atty. Franco Francisco, mayroon nang umiiral na ordinansa na nag-aatas sa bawat barangay na magkaroon ng sariling barangay rehabilitation facility bilang bahagi ng mas maayos na pamamahala sa basura.
Kasabay nito, pinapalakas din umano ng Municipal Agriculture Office ang pagbibigay ng mga seminar at pagsasanay ukol sa composting upang magamit ang mga nabubulok na basura sa backyard gardening at backyard farming.
Bahagi rin ng programa ng lokal na pamahalaan ang inilunsad na Cleaning Green Contest kung saan hinihikayat hindi lamang ang mga barangay kundi maging ang mga pamilya na aktibong makilahok sa tamang segregasyon at pagtatapon ng basura.
Inihayag din ni Atty. Francisco na nakatakda ring magtayo ng vermicomposting facility malapit sa Material Recovery Facility upang mas mapakinabangan ang mga nakokolektang biodegradable waste.
Dagdag pa niya, bibigyan ng insentibo at kagamitan ang mga barangay na magpapakita ng mahusay na pagpapatupad ng waste management programs bilang paraan upang mas mahikayat ang komunidad na makiisa.
Binanggit din ng opisyal ang Barangay Basing bilang isa sa mga barangay na may maayos na sistema ng pamamahala sa basura dahil mayroon itong aktuwal na rehabilitation facility at maayos na implementasyon ng waste segregation.
Samantala, aminado si Atty. Francisco na malaking hamon pa rin ang disiplina ng ilang residente at mga bisita pagdating sa wastong pagtatapon ng basura, lalo na sa mga pampublikong lugar gaya ng baywalk kung saan mabilis umanong dumadami muli ang kalat matapos dumagsa ang mga tao.









