Umapela si Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso sa mga lider ng bansa na magkaroon ng pagkakaisa at magkaintindihan na sa nagpapatuloy pa ring tensyon sa pulitika.
Sa isang pahayag, hinimok ng alkalde ang mga lider sa nasyunal na pamahalaan na maglaan ng pagkakataon para pag-usapan ang mga isyung kinakaharap.
Hiling niya na magkatagpo o magkaroon ng tinatawag na ‘common ground’ sapagkat wala umanong patutunguhan ang magkakaibang direksyon.
Ang taumbayan aniya dapat ang isaalang-alang sa kabila ng magkakaibang posisyon o hindi magkakaparehong paniniwala.
Hinimok naman ng alkalde ang publiko na ipagdasal ang mga lider sa nasyunal na bigyan sila ng karunungan at mapagtanto ang tunay na obligasyon sa bansa.
Kanyang binigyang diin na ang tungkulin para sa taumbayan ay mas mahalaga kaysa kani-kanilang mga partido sa pulitika.
Ang mamamayan raw kasi ang higit na maapektuhan at magdudusa kung ang mga institusyon ng gobyerno ay bigong tuparin ang kanilang trabaho.
Kung kaya’t sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, ipinaalala ni Mayor Isko lalo na sa mga lider na ang kalayaan nakamit ay bunga ng kabayanihan sa mga nagbuwis ng buhay para sa bansa.










