Dagupan City – Bilang karagdagang pwersa sa pagpapatrolya, katuwang na rin ngayon ng Public Order and Safety Office o POSO sa Mangaldan, Pangasinan ang mga presidente ng iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers Associations o TODA sa pagbabantay laban sa mga kolorum na tricycle na pumapasada sa bayan.
Ayon sa Federation President ng Mangaldan TODA na si Ricky Imuan, mahigpit nilang binabantayan ang mga ganitong kaso, kung saan madalas ay nauuwi sa mainit na sagutan sa pagitan ng mga lehitimong drayber at mga kolorum. Kapag may nasasangkot, agad nila itong inihahatid sa tanggapan ng POSO upang maipaliwanag sa mga drayber ang mga kinakailangang dokumento at proseso sa legal na pamamasada.
Isa sa mga katuwang sa kampanya si Leonardo “Narding” Arabe, presidente ng Guiguilonen Embarcadero TODA, na matagal nang tricycle driver. Aniya, simula’t simula pa lang ay sinunod na niya ang mga rekisitong dokumento, dahilan kaya’t aktibo rin siya ngayon sa pagbabantay laban sa mga kolorum.
Binanggit ni Arabe na kadalasang mas mahal maningil ng pamasahe ang mga kolorum dahil contractual umano ang sistema ng mga ito, taliwas sa TODA units na may itinakdang fare matrix. Ito raw ang nagdudulot ng hindi patas na kumpetisyon sa mga lehitimong drayber.
Panawagan ng mga TODA president, tiyaking may kaukulang permit at papeles muna ang sinumang nagnanais na mamasada. Layunin nilang mapanatili ang maayos at pantay na kalakaran sa transportasyon sa buong bayan ng Mangaldan.