Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si 4th District Representative Manay Gina de Venecia sa lahat ng mga taong nagpaabot ng pakikiramay at pakikidalamhati sa pagpanaw ng kanyang asawa na si dating Speaker Jose De Venecia Jr.

Ayon kay Manay Gina, maraming nagmamahal kay JDV.

Dumalaw sa burol nito ang ilang mga mamamayan mula sa ika-4 na distrito upang personal na makapagpaalam sa dating Speaker at magpasalamat sa mga mabubuting nagawa nito para sa kanila.

--Ads--

Nagpaabot din ng pakikiramay ang ilang mga pulitiko na minsang naging mentor nila si JDV at kinilala ang malaking impluwensya nito sa kanilang karera sa pulitika.

Nagpasalamat aniya ang Kongreso kay JDV dahil sa mga makabuluhang batas na kanyang isinulong na nakatulong sa mga OFWs, mangingisda, magsasaka, at mga ordinaryong mamamayan.

Malaki rin ang naging papel niya sa paghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan na magtungo sa bansa noong panahon ng administrasyon nina dating Pangulong Fidel V. Ramos at Gloria Macapagal Arroyo.

Bilang asawa, inamin ni Manay Gina na hindi man lantaran ang pagpapakita ng pagmamahal ni “Manong Joe,” ramdam na ramdam niya ito.

Madalas umano siyang sabihan ni JDV na siya ang nagbibigay-lakas dito.

Dagdag pa niya, naging napaka-supportive ni JDV sa kanya at ito rin ang nagturo sa kanya kung paano magkaroon ng kumpiyansa sa sarili.