DAGUPAN CITY- Karagdagan sa marami nang pagtitiis ng mga mangingisda ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon kay Roberto Ballon, chairperson ng Katipunan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, alanganin nang pumalaot ang ilang mangingisda dahil sa lalong pagtaas ng gastusin at walang katiyakang dami ng kanilang mahuhuli.
Aniya, hindi rin makatarungan ang maagang pagtaas sa presyo ng petrolyo sa ilang gasolinahan kahit hindi pa ipinapatupad ang opisyal na presyo.
Kung magtatagal pa ang pahirap na ito ay tiyak na mawawalan lang ng hanap buhay ang mga ordinaryong mangingisda at kalaunan ay mararamdaman ang epekto sa suplay ng pagkain ng bansa.
Bukod din kase sa magiging balakid ang petrolyo sa kanilang pagpalaot, nariyan din ang pang-aagaw ng mga commercial fishing vessel sa municipal waters.
Mungkahi ni Ballon sa pamahalaan na tiyakin ang pantay na pagpapatupad ng oil price hike at ang agarang pagpapatupad ng sabsidiya para sa kanilang hanay.
Sa ngayon ay magtitiis muna ang mga mangingisda sa malapit na katubigan para mangisda, kahit pa man maliit lamang ang kanilang mahuhuli.
Patuloy naman ang kanilang pakikipag-usap sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa kaukulang tulong.










