Dagupan City – Ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang taunang social amelioration incentives sa mahigit 2,400 Barangay Nutrition Scholars (BNS), Barangay Population Workers (BPW), at Barangay Health Workers (BHW) mula sa First District bilang pagkilala sa kanilang sipag, dedikasyon, at mahalagang papel sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.

Ang pamamahagi ng insentibo ay bahagi ng patuloy na programa ng pamahalaang panlalawigan upang suportahan at palakasin ang hanay ng mga barangay health frontliners na nagsisilbing unang takbuhan ng mamamayan pagdating sa usaping pangkalusugan, nutrisyon, at population management.

Kasabay ng aktibidad, isinagawa rin ang pagrehistro ng mga benepisyaryo sa PhilHealth YAKAP Program.

--Ads--

Layunin nitong mapalawak ang saklaw ng serbisyong pangkalusugan at matiyak na mas marami pang Pangasinense ang magkakaroon ng access sa de-kalidad at abot-kayang healthcare services.

Patuloy ang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na maabot ang target na dalawang milyong Pangasinense na mapabilang sa mga programang pangkalusugan, bilang bahagi ng mas pinalakas na adbokasiya tungo sa isang mas malusog at mas handang lalawigan.