Dagupan City – Umaabot na sa mahigit 2 milyon ang rehistradong botante sa Pangasinan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Nobyembre 2026.

Ayon kay Atty. Marino Salas, Provincial Election Supervisor, sa kasalukuyan, mayroon silang 2,154,000 rehistradong botante sa lalawigan sa pinaka huling datos habang prayoridad nila ngayon ang mga kabataan na nasa edad 15 pataas.

Aniya, pinaigting din ng opisina ang voter registration sa pamamagitan ng off-site registration sa mga eskwelahan, mall, at barangay.

--Ads--

Layunin nitong hikayatin ang mas maraming residente, lalo na ang mga first-time voters, na magparehistro.

Bukod sa first time voters, tumatanggap din ang Comelec ng reactivation, correction of entries, at transfer ng registration kung saan mayroon din silang “register anywhere” program para sa mga hindi residente sa lugar.

Nagpaalala naman si Atty. Salas sa publiko na huwag nang hintayin ang deadline ng registration sa May 18 dahil limitado ang kapasidad ng bawat registration machine.

Saad niya na sila ay nag-o-overtime mula Lunes hanggang Sabado upang maserbisyuhan ang lahat.

Kaya naman, hinihikayat ang mga first-time voters, lalo na ang mga nasa high school, na magparehistro na at alamin ang schedule ng off-site registration sa Facebook page o opisina ng Comelec.