Isinampa na ang kasong adultery at concubinage laban sa isang babae at lalaking pulis, kapwa aktibong miyembro ng Police Regional Office (PRO-13), matapos silang mahuling nakikipagtalik sa isang inupahang silid sa Brgy. Bayanihan, Butuan City.
Kinumpirma ito ni PRO-13 regional director PBGen Marcial Mariano Magistrado IV sa pamamagitan ng kanyang inilabas na opisyal na pahayag, kung saan nakasaad na pareho silang kasal.
Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan na nahuli sila ng asawa ng babaeng pulis, dahilan upang magsampa ito ng kasong kriminal at maging ng kasong administratibo laban sa kanila.
Ayon kay PRO-13 spokesperson PLCol Jennifer Ometer, nagbigay na ng babala si General Magistrado sa lahat ng kanilang miyembro na hindi niya palalampasin ang mga gawaing makasisira sa uniporme at dangal ng organisasyon.
Tiniyak din niya sa publiko na walang espesyal na pagtrato ang ibibigay sa mga miyembrong sangkot sa nasabing insidente.










