Inaasahan ang halo-halong galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy–Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) nitong Biyernes.

Batay sa trading noong Huwebes sa Mean of Platts Singapore (MOPS), sinabi ni DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero na posibleng ipatupad ang mga sumusunod na pagbabago sa presyo ng langis:

Gasolina – maaaring magkaroon ng bawas na humigit-kumulang ₱0.10 kada litro

--Ads--

Diesel – maaaring tumaas ng humigit-kumulang ₱0.30 kada litro

Kerosene – maaaring tumaas ng humigit-kumulang ₱0.05 kada litro

Nilinaw ni Romero na hindi pa kabilang sa mga pagtatayang ito ang operating cost ng mga kumpanya ng langis at iba pang premium.

Ayon sa DOE-OIMB, kabilang sa mga dahilan ng paggalaw ng presyo ng petrolyo ang mga senyales ng pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagbawas sa tinatawag na geopolitical risk premium.

Binanggit din ni Romero ang inaasahang sapat na suplay ng langis mula sa Estados Unidos at iba pang bansang hindi kasapi ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), gayundin ang mas mahinang demand para sa heating fuel bunsod ng inaasahang mas banayad na panahon sa US.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na pagbabago sa presyo tuwing Lunes, na ipinatutupad kinabukasan.