Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na dumating na ang kabuuang 178 milyong litro ng diesel bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan para patatagin ang suplay ng langis sa gitna ng nag-papatuloy na labanan sa Gitnang Silangan.
Ayon sa DOE, ang huling shipment ay kumumpleto sa apat na kargamento sa ilalim ng Executive Order No. 110 na inilabas ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. upang protektahan ang ekonomiya laban sa pabagu-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na ang matagumpay na delivery, na pinangasiwaan ng Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC), ay patunay ng agarang aksyon ng gobyerno upang matiyak ang sapat na suplay ng fuel sa bansa.
Ipinamahagi ang mga shipment sa mga pangunahing hub sa Batangas, Subic, at Davao upang magkaroon ng sapat na suplay ang iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin pa ng DOE na mahalaga ang reserbang ito upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng transportasyon, logistics, at agrikultura.










