DAGUPAN CITY- Arestado ang isang mag-live-in partner sa ikinasang buy-bust operation ng San Fabian Police Station katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office 1 (PDEA RO1) sa Barangay Nibaliw Narvarte, San Fabian, Pangasinan.
Ayon kay Police Lieutenant Fidel Mejia, Duty Officer ng San Fabian Police Station, kinilala ang mga suspek na sina Gerald Narvarte Viado, 53 anyos, tricycle driver, at ang kanyang live-in partner na si Mercy Castillo Abesamis, 51 anyos, self-employed.
Aniya, kapwa residente ng naturang barangay ang dalawang naaresto.
Sa aktwal na operasyon, positibong nabilhan ng poseur-buyer ang mga suspek ng dalawang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 0.40 gramo. Tinatayang nasa PHP 2,720.00 ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga.
Kapalit ng droga ay ang buy-bust money na nagkakahalaga ng PHP 2,500.00, na binubuo ng dalawang piraso ng PHP 1,000.00 boodle money at isang totoong PHP 500.00 bill. Matapos ang palitan, agad na inaresto ng mga operatiba ang mga suspek.
Dinala ang mga nahuli kasama ang mga ebidensyang nakumpiska sa San Fabian Police Station para sa tamang dokumentasyon at inihahandang pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.