DAGUPAN CITY- Libo-libong residente at maging mga turista ay dinagsa ang selebrasyon ng Bangus Festival ng Dagupan City.

Maaga pa lamang ay nagsimula nang magsidatingan ang mga tao sa kahabaan ng New de Venecia Road Extension Highway kung saan ginanap ang iba’t ibang aktibidad.

Tampok sa selebrasyon ang Kalutan Ed Dalan kung saan ay inihanda ng Local Government Unit (LGU) ang umaabot na 20,000 piraso ng mga bangus.

--Ads--

Kabilang pa sa inihandog sa selebrasyon ang pagpapasaya ng mga inimbitahang sikat at kilalang mga indibidwal at OPM artists.

Samantala, kabilang sa mga bumisita sa naturang kaganap ay si San Juan City Mayor Francis Zamora ng Metro Manila.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makisaya ang alkalde at aniya, kaniyang hinangaan ang kalidad ng bangus ng Dagupan City.

Kaniya naman ipinahayag ang pakikipagtulungan niya sa syudad na dalhin ang produkto sa kanilang nasasakupan.

Ito ay upang mapalago pa ang ekonomiya ng Dagupan City at mahikayat pa ang mga turista.

Ito rin ay bilang bahagi ng partnership ng dalawang lungsod sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF).

Isinalarawan naman ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang seelbrasyon bilang pansamantalang “getaway” ng mga tao sa nararanasang problema ng bansa.

Kaya bago magsimula ang naturang aktibidad ay hinikayat ng alkalde ang publiko na mag-enjoy lamang sa mga inihandang mga kaganapan.

Bukod pa riyan, ayon kay Fernandez, mahalaga ang papel ng Bangus Festival sa industriya ng mga magbabangus upag palakasin pa ang kanilang produkto.