Nabuwag ang isang drug den at anim na indibidwal ang naaresto sa isinagawang sabayang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Sitio Aling, Brgy. Pantal, Dagupan City noong Abril 27, 2026.
Ayon kay Julius M. Paderes, Regional Director ng PDEA Region I, target ng operasyon ang paglilinis sa lugar mula sa mga iligal na droga at mga sangkot sa bentahan nito.
Sa kabuuan, isang drug den ang nabuwag habang anim ang naaresto, kabilang ang isang itinuturing na high-impact target at ang umano’y tagapangalaga ng naturang drug den. Narekober naman sa operasyon ang tinatayang 48 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱326,400.
Kinilala rin ang ilan sa mga naaresto, kabilang si alias “Aning” na umano’y nagpapatakbo ng drug den, at si alias “Doy-Doy” na nahulihan ng 12 gramo ng shabu at digital weighing scale. Isang 63-anyos na lalaki ang kabilang din sa mga naaresto matapos makuhanan ng limang gramo ng ilegal na droga.
Samantala, dalawa pang suspek ang nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap sa nagpapatuloy na manhunt operations.
Binigyang-diin ni Paderes na patunay ang operasyon na walang lugar ang ligtas para sa mga sangkot sa ilegal na droga at patuloy ang kanilang kampanya upang mabawi ang mga komunidad para sa mga mamamayang sumusunod sa batas.
Isinagawa ang operasyon sa tulong ng iba’t ibang yunit kabilang ang PDEA Region I units sa Pangasinan at La Union, kasama ang Regional Police Office 1, Pangasinan Police Provincial Office, Dagupan City Police, at iba pang specialized units, bilang bahagi ng kanilang koordinadong “one-time, clean-sweep” operation.










