Tiniyak ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ng Lingayen ang kanilang kahandaan para sa nalalapit na Pistay Dayat, kasabay ng inaasahang dagsa ng mga turista sa mga dalampasigan ng bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kimpee Jayson Cruz, LDRRMO III ng Lingayen, sinabi niyang naka-deploy na ang kanilang mga response team katuwang ang iba’t ibang ahensya upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, lalo na sa mga dinarayong beach areas.

Ayon sa kanya, nakaantabay na ang mga kagamitan at pwersa para sa posibleng worst-case scenario, habang tinukoy din ang mga lugar na may malakas na hatak ng alon bilang mga binabantayang bahagi ng baybayin.

--Ads--

May nakalatag ding limang designated areas of responsibility na binabantayan ng mga team mula sa PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), MENRO, at iba pang LGU offices.

Isa sa mahigpit na ipinatutupad ay ang oras ng pagligo sa dagat hanggang 5:30 ng hapon, bilang bahagi ng safety protocol. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa dalampasigan, lalo na matapos ang mga naitalang insidente noong Semana Santa kung saan ilang lasing na bisita ang naging sanhi ng gulo at paglihis mula sa itinalagang swimming areas.

Binigyang-diin din ng opisyal na walang naitalang drowning incident noong nakaraang taon, bagama’t may mga naiulat na minor water incidents at pagdami ng jellyfish sightings sa panahon ng tag-init. Inaasahan din ang posibilidad ng ganitong kondisyon ngayong may pabago-bagong panahon.

Ayon pa sa LDRRMO, patuloy ang kanilang koordinasyon sa PNP, BFP, barangay officials, at mga volunteer upang bantayan ang mga beach at karatig-ilog, lalo na sa mga barangay na dinarayo ng mga turista.

Para naman sa mga resort operators, pinaalalahanan sila na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga bisita at mahigpit na ipatupad ang safety protocols sa loob ng kanilang mga establisimyento.

Sa huli, muling iginiit ng LDRRMO Lingayen ang kanilang layunin na makamit ang “zero casualty” sa Pistay Dayat sa pamamagitan ng disiplina ng publiko at mas pinaigting na paghahanda ng pamahalaan.