DAGUPAN CITY- Patuloy nagigipit ang mga ordinaryong manggagawa ng bansa habang patuloy naman umanong tinutuon ng gobyerno ang kaban ng bayan sa walang katuturan na bagay.
Ayon kay Virginia Lacsa Suarez, Secretary General ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kawawa at labis nang nagigipit ang mga ordinaryong manggagawang Pilipino dahil sa krisis ngunit hindi naman itinataas ang kanilang sahod.
Giit ni Suarez, patuloy ginigipit ang mga manggagawa sa pinakamababang halaga ng sahod subalit, kung pagbabatayan naman ang batas, “living wage” ang terminong ginamit.
Nangangahulugan, taliwas ang naturang katawagan kung nasa “survival mode” na ang mga ordinaryong mangagawa, lalo na ang mga nasa probinsya.
Hindi na naniniwala ang kanilang grupo sa Regional Wage dahil sa hindi makatarungang hindi pantay na sahod kung bawat lugar naman sa bansa ay nararanasan ang matinding epekto ng krisis at pagtaas ng mga bilihin.
Ikinagagalit ng kanilang grupo na patuloy gumagastos ang gobyerno sa walang katuturang bagay, tulad ng Balikatan Exercises na kalaunan ikapapahamak lamang ng bansa, subalit hindi makapagbigay ng sapat na suporta sa mga naghihirap na Pilipino.
Hindi rin sila sang-ayon sa pagsasagawa ng job fair tuwing Labor Day kung wala naman itong kasiguraduhan at pangmadaliang trabaho lamang.
Ang ganitong aktibidad ng gobyerno ay hindi tunay na solusyon sa problema, kundi, upang masabing may ginawa lamang.
Saad ni Suarez, pagtatayo ng industriya ang kailangan ng bansa upang makagawa ng trabaho.
Gayunpaman, umaasa lamang ang gobyerno sa importasyon.










